Nabuhay ang marami sa atin kadugtong ang maruruming kalsada sa mga lungsod, ang marurusing na kalakalan sa industriyalisasyon, ang dagat ng kasinungalingan, ang mga sungay ng mga nagpapautang, at mababangis na pulitikong corrupt.
Kasabay ng paglubog ng mga barko at vessels sa Pilipinas ang paglubog ng katayuan ng industriyang komersyal ng bansa, ang pagbaba ng antas ng bahagdan ng edukasyon, pagbagsak ng ekonomiya, pagbaba ng sahod, at maging ang pagbagsak ng confidence ng mga Pinoy upang umaksyon na.
Kung may tumataas man, ito ‘yung patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa merkado na ikinagagalit ng Tatay ko, pagtaas ng bilang ng krimen, pagtaas ng numero ng namamatay dahil sa malnutrisyon, pagtaas ng temperatura ng mundo, pagtaas ng presyo ng asukal na ikinagagalit naman ng Nanay ko, at ang pagtaas ng confidence ng mga corrupt upang mangurakot pa.
Sa likod ng mga suliraning ito, tayong mga Pinoy ba’y hahakbang pa o patuloy na mag-iilusyon na lang? Balanseng-balanse ang lahat. May mababa man, may mataas rin. Ngunit ang magiging resulta, tayo’y patungo sa Bibig ng Kabiguan.
Pinoy ka ba? Kung Pinoy ka, me karapatan kang maging tanga. Pero responsibilidad mo bilang Pinoy ang mahalin ang Pilipinas!
Tama na’ng ilusyon! Kailangan nang umaksyon!



